Sisimulan na ang konstruksyon ng EDSA Busway Concourse sa bahagi ng SM North Edsa sa Quezon City.
Kasunod ito ng isinagawang groundbreaking ceremony para sa proyekto na pinangunahan nina DOTr Sec. Jaime Bautista, SM Prime Holdings Inc. President Jeffrey Lim, DPWH Usec. Roberto Bernardo at MMDA Chair Romando Artes.
Ang konstruksyon ng SM North EDSA Concourse Project ay magbibigay daan sa isang busway station na idadagdag sa North Edsa.
Tampok sa proyekto ang state-of-the-art walkways, na may iba’t ibang access gaya ng escalators at elevators na moderno at PWD-friendly.
Ayon kay SM Prime Holdings Inc. President Jeffrey Lim, maituturing na isang ‘transformative transport initiative’ ang proyekto na magpapagaan sa biyahe ng commuters.
Nagpasalamat naman si DOTr Sec. Jaime Bautista sa suporta ng SM na makapagbigay ng convenient access sa EDSA busway habang patuloy pa ang konstruksyon ng MRT-7 at ng common station.
Sinabi rin ni Eduardo Yap ng Management Association of the Philippines at isang busway advocate na patunay ang proyektong ito na may posibilidad na malutas ang problema sa transportasyon kung magtutulunagn ang gobyerno at pribadong sektor.
Target ng SM na agad makumpleto ang konstruksyon ng naturang proyekto na inaasahang magdudulot ng malaking tulong para sa mga commuter na magmumula at patungong North Avenue. | ulat ni Merry Ann Bastasa