Hindi tatantanan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtunton sa kung sino ang nasa likod ng malesyosong e-mail na naglalaman ng bomb threat.
Ito’y makaraang bulabugin kahapon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) gayundin ang ilang paaralan sa Balanga sa Bataan.
Ayon kay PNP Chief, P/General Benjamin Acorda Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang mga counterpart mula sa iba’t ibang bansa para matunton ang taong nagtatago sa pangalang Takahiro Karsawa.
Giit ng PNP chief, nabatid na ikatlong beses na nitong nambulabog sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sinasabi ring nagsalita na ang mismong taong tinutukoy dito at sinasabing na-hack ang kaniyang e-mail account.
Bagaman nagnegatibo sa bomba ang mga nabanggit na institusyon at opisina, sinabi ni Acorda na hindi pa rin dapat magpaka-kampante lalo’t may nangyari nang pambobomba noong isang taon sa Mindanao State University sa Marawi City kung saan apat ang nasawi.
Ginawa ng PNP chief ang pahayag matapos tanggapin sa Kampo Bagong Diwa sa Taguig City ang anim na Explosives and Ordnance K9 robots.
Ang nasabing mga kagamitan ay mula sa donasyon ng Anti-Terrorism Agency ng Estados Unidos na nagkakahalaga ng ₱45-milyong piso.
Aniya, makatutulong ang mga makabagong kagamitan na ito upang mapalakas pa ang kanilang kakayahan sa paglaban sa terorismo nang hindi nasasakripisyo ang buhay at kaligtasan ng kanilang mga tauhan.
Kasunod niyan, nakatakda ring itayo sa Kampo Bagong Diwa sa Taguig City ang Headquarters ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9 Unit ng PNP. | ulat ni Jaymark Dagala