Inaresto ng Philippine National Police ang isang lalaking nagtangkang kumuha ng police clearance sa Camp Crame matapos na matagpuan na mayroon itong outstanding warrant of arrest.
Sa ulat ng PNP-Directorate for Investigation and Detective Management, inaresto ng National Police Clearance Section at Anti-Organized Crime Unit ng CIDG kahapon ang suspek na kinilalang si Junry Rabaya.
Sa isinagawang beripikasyon, natuklasang wanted ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Cantilan, Surigao del Sur.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek at nakatakdang iharap sa kanyang court of origin.
Ayon sa DIDM, ang national police clearance ay isa lamang sa mga magandang programa ng PNP upang mahuli ang wanted persons sa bansa. | ulat ni Leo Sarne