Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District sa isang insidente ng pamamaril sa Ermita, Maynila.
Dead on the spot ang isang lalaki matapos awatin at mabaril ng guwardiya dahil sa kanyang pananaksak sa lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon at salaysay ng ilang saksi, nakaupo sa tabi ng isang tindahan sa bangketa ang isang lalaki (Bogart) nang biglang lapitan ng suspek (Lakay) at pagtatagain ng itak.
Nagawa pang makatakbo ng biktima at makatawid pero naabutan din sya ng suspek at doon patuloy na pinagsasaksak.
Dito na umawat ang isang guwardiya mula sa kalapit na hotel, na nagpaputok ng warning shot pero siya naman ang napagbalingan ng suspek at tinangkang saksakin kaya niya nabaril.
Ayon sa ilang guwardiya at tindero sa lugar, ilang araw nang may alitan ang suspek at biktima.
Isinugod sa ospital ang biktima at nagpapagaling na dahil sa mga tinamong sugat at saksak, habang dinala sa Manila Police District ang guwardiya. | ulat ni Lorenz Tanjoco