Umabot sa 4,125 na galon ng maiinom na tubig ang naipamahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) humanitarian team sa mga pamilya at indibdwal na apektado ng malawakang pagbaha sa Davao De Oro.
Ito na ang ika-apat araw na operasyon ng MMDA team sa nasabing lalawigan.
Nasa 1,632 na mga kabahayan sa apat na barangay sa Montevista at New Bataan, Davao De Oro ang nabahagian ng maiinom na tubig kabilang dito ang Brgy. Tapia, Brgy. Bankerohan Sur, Brgy. Bankeron Norte, at Brgy. Camanlangan.
Matatandaang nagpadala ng 30-man contingent ang MMDA sa Davao noong February 9 para tumulong sa mga komunidad na apektado ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa lalawigan.
Dala ng MMDA team ang 60 units na solar-powered water filtration system.
Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tumulong sa mga apektadong residente pati na rin ang pagbibigay ng maiinom na tubig sa Davao Region. | ulat ni Diane Lear
📷: MMDA