Umabot sa ₱456 milyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa mga isinagawang anti-illegal drug operation mula Enero 1 hanggang Pebrero 8 ngayong taon.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon, iniulat ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na nagresulta din ang pinaigting na anti-drug campaign sa pagkaaresto ng 5,972 drug personalities.
Samantala, naaresto naman ng PNP sa loob ng nabanggit na panahon ang 7,371 na mga indibidwal na kabilang sa listahan ng ‘wanted persons’ sa bansa.
Sa kampanya naman ng PNP kontra loose firearms, nasa 856 suspeks ang naaresto, at halos 4,000 na mga baril ang nakumpiksa, narekober at isinurender sa mga awtoridad.
Ayon sa PNP Chief, ang mga accomplishment na ito ay nakatulong sa pag-improve ng crime situation sa bansa, kung saan nakapagtala ng tig-27 porsyentong pagbaba sa Index at Focus Crimes mula Enero 1 hanggang Pebrero 10, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. | ulat ni Leo Sarne