Mas maiging gayahin na lang ng Department of Transportation (DOTr) ang sistema ng operasyon at prangkisa ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) sa PUV Modernization Program.
Ayon kay Quimbo, hindi siya tutol sa itinutulak na consolidation ng operations ng mga PUV, partikular ang mga jeep, ngunit dapat kanya-kanya aniya ang prangkisa ng mga ito.
Inihalimbawa nito ang sistema ng TODA kung saan, may kanyan-kanyang prangkisa ang tricycle.
“I completely understand why there is a need to consolidate operations. Walang issue po. Ang hindi ko maintindihan is why there is obsession with consolidation of franchises. Bakit sa TODA, consolidated ang operations, isa long po ang ruta na tinatakbuhan ng lahat ng tricycle. Sila po ay nagkakasundo. Pero isa-isa ang prangkisa ng bawat tricycle,” sabi ni Quimbo.
Kaya kung may isa sa mga ito ang maka-disgrasya ng pasahero o commuter, ay tanging ang driver lang ang mananagot.
Kung ipipilit kasi aniya ang franchise consolidation sa mga jeep, kung may mabangga ito o masagasaan ay buong kooperatiba o korporasyon ang mananagot.
Magkakaroon pa aniya ng mga pagdinig at hindi rin agad mababawi ang prangkisa ng salarin.
“..kung makasagasa ang isang tricycle, dahil lasing ang driver nakasagasa ng bata, immediately puwedeng bawiin ang prangkisa ng driver. In this situation na consolidated ang franchises ng mga jeep, nakasagasa ang jeep ng bata. Sino po ang mananagot? Ang kooperatiba. Magkaka-away-away, magkakaroon pa ng proceedings, hindi immediate ang pag-bawi,” paliwanag ng economist solon.
Sabi pa ni Quimbo na kung talagang kaligtasan ng mga commuter ang isinusulong ng PUVMP ay higit na mas mainam ang hiwa-hiwalay na prangkisa.
“Kung safety ang issue, mas maganda po kung indibidwal ang prangkisa, kaya para sa akin ang ganda ng sistema ng TODA,” dagdag pa niya.
Ipinaalala din ng mambabatas sa DOTr na ang paggagawad ng prangkisa ay nasa kamay talaga ng Kongreso salig na rin sa Public Service Act at dinelegate lamang ito sa ahensya.
Kaya naman handa aniya ng Kongreso na mangialam sa usapin para sa interes ng publiko.
“There is a provision in the Public Service Act as amended, “No franchise shall be granted except under the condition that it shall be subject to amendment, alteration or repeal by Congress when public interests so requires.” In other words, even when we delegate it to you (DOTr), kung sa tingin ng Kongreso, na kailangan naming makialam for the sake of public interest, puwede po naming gawiin po iyon,” sabi pa ni Quimbo.| ulat ni Kathleen Forbes