Matagumpay na nailatag ng Department of Transportation (DOTr) ang mga proyekto, programa, at inisyatibong makapagpapabuti sa transportation system ng Pilipinas.
Ito ay sa naganap na Bagong Pilipinas Town Hall Meeting ng DOTr para sa Road Transport Sector na bahagi ng selebrasyon ng ika-125 Anibersaryo nito.
Kabilang sa mga napag-usapan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), kung saan ay ginawaran ng parangal ang General Santos City bilang kauna-unahang lungsod na nakapagtalaga ng 100% consolidation rate.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, malaking hakbang ito sa pagpapatuloy ng pag-arangkada ng modernisasyon ng transportasyon sa lungsod.
Bukod dito, nilagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOTr at ng Mindanao State University para sa kauna-unahang Transport Research sa SOCCKSKARGEN.
Sinabi ng kalihim na malaking tulong ang pinirmahang kasunduan sa pagitan ng LTFRB at Mindanao State University, para sa gagawing malalimang pag-aaral sa transportasyon para maging gabay sa mga susunod pang programa ng ahensya. | ulat ni Diane Lear