Naaresto ngayong umaga ng PNP Anti-Cybercrime Group ang isang online seller na nagbebenta umano ng pekeng Philhealth card sa entrapment operation sa 21st Ave., Brgy. Tagumpay P. Tuazon Blvd. Quezon City, Metro Manila.
Sa ulat ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo kay ACG Director Police Major General Sydney Sultan Hernia, kinilala ang arestadong suspek na si Maria Trinidad De Castro, 42, residente ng Project. 4, Quezon, City.
Ang suspek ay inaresto base sa reklamo ni Philhealth Special Investigator II Michael Ani tungkol sa talamak na pagbebenta online ng umano’y pekeng PhilHealth Identification Cards ng ilang Facebook account.
Matapos makipagkita at makipagtansakyon sa mga operatiba Northern District Anti-Cybercrime Team (NDACT) na pinangunahan ni PLt. Kim Maverick Tumpalan, sa superbisyon ni NDACT Team Leader PCapt. Roy Santiago, narekober sa suspek ang 5 piraso ng pekeng Philhealth Card, boodle money, at isang Samsung cellphone.
Ang suspek ay dinala sa PNP-Forensic Group, sa Camp Crame, bago dalhin sa PNP-ACG, Custodial Facility para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Article 172 (Falsification of Public Documents) ng Revised Penal Code kaugnay ng Sec. 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📷: ACG