Tiniyak ni Senate Committee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara na tuloy ang pagdinig nila tungkol sa economic chacha sa March 5.
Ito ay sa kabila ng mungkahi ni Senador Chiz Escudero, na dapat munang bumalangkas ng malinaw na rules ang Senado tungkol sa pag adopt o pag apruba ng resolusyon tungkol sa panukalang economic chacha bago ituloy ang pagdinig dito.
Ayon kay Angara, nagkasundo na sila na ipagpatuloy ang pagdinig sa Resolution of Both Houses no. 6 pero hihintayin muna nila na maglabas ng rules ang Senado bago aprubahan ang committee report ng economic chacha.
Ang Committee on Rules na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang babalangkas ng rules na ito ng Senado.
Paliwanag ni Angara, ang bubuuing rules ang tutukoy sa prosesong susundin sa pag-report at pag apruba sa panukalang economic chacha. | ulat ni Nimfa Asuncion