Kumpiyansa ang Department of Transportation (DOTr) na ganap na maisasakatuparan sa buong bansa ang 100 porsyentong consolidation ng mga pampublikong transportasyon.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista matapos magpasalamat sa mga PUV operators, cooperatives at corporation sa General Santos City kaalinsabay ng Bagong Pilipinas Road Sector Townhall meeting nitong weekend.
Ayon kay Bautista, itinuturing nilang inspirasyon ang buong suportang ipinamalas ng mga transport group sa GenSan na katunayan na kayang i-modernisa ang mga pampublikong sasakyan sa buong bansa.
Ipinagmalaki pa ni Bautista na ang GenSan ang kauna-unahang lungsod sa buong bansa na nakapag-consolidate ng 100 porsyento sa ilalim ng programa.
Dahil dito, lumagda ng kasunduan ang DOTr sa Mindanao State University (MSU) GenSan para magsagawa ng pananaliksik hinggil sa PUV modernization sa buong rehiyon ng SOCCSKSARGEN.
Sa ilalim nito, tutukuyin ang iba’t ibang aspeto na may kinalaman sa land transportation kabilang na ang mga ruta, bilang ng mga PUV, at mga pasahero na kinakailangan o kakailanganin sa rehiyon.
Ito aniya ang gagamitin nilang pamantayan hinggil sa isasagawang pag-aaral sa buong bansa. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DOTr