Naghain si Sen. Mark Villar ng isang panukalang batas na layong makapagpatayo ng war veterans’ hospital sa Visayas at Mindanao.
Sa Senate Bill 2544 ni Villar, pinunto ng senador na nag-iisa lang ang veterans hospital sa bansa, ito ang Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.
Giit ni Villar, hindi naman accessible para sa lahat ng mga beterano ang VMMC, lalo na para sa mga beterano na nakatira sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ng senador na ang mga pinapanukalang veterans hospital sa Visayas at Mindanao ay magbibigay ng kompehensibo at pangkalatahang health care services sa mga Pinoy veteran.
Kabilang na dito ang medical, surgical at psychiatric needs ng mga beterano.
Ang mga pinapanukalang veteran hospital ay magsisilbi ring healthcare research center para mapabuti ang medical care sa mga war veterans.
Una na ring pinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang plano na magpatayo ng veterans hospital sa Visayas at Mindanao.| ulat ni Nimfa Asuncion