Target ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na palakasin pa ang performance ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamahagi ng lupa ngayong taong 2024.
Pahayag ito ni Estrella, matapos papurihan
ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsisikap ng DAR, at nalampasan ang target ng pamamahagi ng lupa noong taong 2023.
Kamakailan, magkasamang namahagi ng electronic land titles (e-titles) sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Davao City sina Pangulong Marcos Jr., Bise Presidente Sara Z. Duterte at Kalihim ng DAR.
Sinabi ni DAR Usec. for Support Services Rowena Nina Taduran, kabuuang 2,529 e-titles ang naipamahagi, at sumasaklaw sa tinatayang 3,560 ektarya sa Davao region.
Batay sa datos, nalampasan ang 50,000 target para sa pamamahagi ng lupa, at mahigit 90,000 land titles ang naigawad ng DAR na sumasaklaw sa 109,229 ektarya.
Mahigit sa 98,000 magsasaka at agrarian beneficiaries ang nakinabang sa buong bansa.
Bukod sa pamamahagi ng mga e-title, ang mga ARB ay bibigyan ng access sa iba’t ibang serbisyo ng suporta at subsidyo ng gobyerno.
Samantala, nagpasalamat si VP Sara sa Pangulo sa lahat ng suportang ipinaabot sa mga Davaoeño, lalo na sa mga magsasakang benepisyaryo ng agraryo.| ulat ni Rey Ferrer