Tinupad ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang pangarap ng isang 22 taong gulang na may “down syndrome” na maging pulis.
Iginawad ng PNP Chief ang ranggong Police Lieutenant na epektibo ng isang araw kay Luis Javier P. Sarmiento, na pinangarap na maging pulis katulad ng kanyang idolong si “Kardo Dalisay” sa sikat na teleseryeng “Ang Probinsyano”.
Ang pagbibigay ng honorary rank, at pagpapahintulot kay Luis na magasuot ng uniporme ng pulis ay bahagi ng “Cop for a Day” program ng PNP.
Sinabi ng PNP Chief, na ang matinding pagnanais ni Luis na maging pulis ay nagsisilbing inspirasyon sa batang henerasyon na huwag sumuko sa pagkamit ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Ang pangarap aniya ni Luis na maging pulis ay dapat ding ituring na isang malaking karangalan ng bawat miyembro ng PNP. | ulat ni Leo Sarne