Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na may nalalaman sila sa alegasyon ni Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy na nagsasabwatan ang pamahalaan ng Pilipinas at Estados Unidos laban sa kanya.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang mga pahayag ni Quiboloy ay kanyang sariling mga salita na hindi alam ng PNP kung ano ang basehan.
Binigyang-diin ni Fajardo na sa panig ng PNP, walang inilabas na kautusan para isailalim si Quiboloy sa surveillance o i-raid ang kanyang mga bahay.
Wala din aniyang utos para i-monitor ng mga pulis ang mga tagasunod ni Quiboloy.
Sa isang voice message na pinost sa Youtube ng kontrobersyal na self-annointed “Son of God,” inamin niyang siya’y nagtatago dahil sa pangamba na pinaplano ng Estados Unidos na dukutin siya at ipalikida. | ulat ni Leo Sarne