Kinumpirma ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na hindi mga pulis ang nanloob sa isang pawnshop sa Koronadal noong nakaraang Miyerkules.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Gen. Acorda na may lead na ang PNP sa pagkakakilanlan ng 6 na suspek, kabilang ang dalawang nakasuot ng uniporme ng pulis, na nakunan sa CCTV ng naturang pawnshop.
Batay sa kuha ng CCTV, unang pumasok sa pawnshop ang dalawang nagpanggap na pulis at dinisarmahan ang mga gwardya, kasunod ang iba pang miyembro ng grupo na tumangay ng mga alahas at pera sa pawnshop.
Tiniyak ni Gen. Acorda na ginagawa ng PNP ang lahat para agarang mahuli ang mga suspek.
Nag-alok na rin ng P500,000 pabuya ang Koronadal City LGU sa makapagbibigay-impormasyon ukol sa kinaroroonan ng mga suspek. | ulat ni Leo Sarne