Inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group sa entrapment operation sa Plaza Burgos, Guagua, Pampanga, ang isang estudyante na nagtangkang mangikil sa kapwa estudyante ng GCash.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang suspek na si Joshua Sampang, 21, taga-Sta. Rita Pampanga.
Base sa reklamo ng 18-taong gulang na babaeng biktima, naka-chat niya ang suspek sa Facebook Messenger na gumamit ng dummy account, at nakumbinsi siyang magpadala ng mga maseselang larawan.
Kinalaunan ay binantaan siya ng nasabing suspek na ipapakalat ang kanyang mga larawan at videos kapag hindi siya dito nagpadala ng pera sa GCash.
Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong grave coercion, paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children Act, RA No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at RA No 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
🎥: ACG