Welcome para sa House leaders ang nasa US$1 billion commitment na dala sa Pilipinas ng kauna-unahang US trade and investment mission.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ipinapakita nito ang pagiging magaling na ‘salesman’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panghihikayat ng mga mamumuhunan sa kaniyang mga naging biyahe.
At mas bubuhos pa aniya ang mga dayuhang mamumuhunan na magkakainteres kung tuluyang maaprubahan ang panukalang economic charter change.
Ipinapakita naman ani Deputy Majority Leader Migs Nograles na may resulta at nagbubunga ang mga foreign trip ni PBBM at nakikita ang potensyal ng bansa bilang investment destination.
“The fact that they (foreign investors) want to invest is actually such a good feat na for us. Nakikita natin may bunga itong state visits na ginagawa ni Presidente. Nakikita nila ‘yun, nag-o-open up tayo, nakikita ‘yung capacity natin, capabilities natin and that we are worth investing,” ani Nograles.
Para naman kay Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, ang investment pledges na ito ng mga American company ay nagpapakita ng maigting na tiwala at kumpiyansa hindi lang sa pamamahala ng Pilipinas ngunit maging sa ating pangulo.
“It’s about a foreign country deepening trust not only the way we handle things here in the country but the person who sits as the architect of our foreign policies. It would appear na ang Pilipinas is not only ready for any investment but is actually fertile for any foreign [capital] to come in,” giit ni Adiong.
Sa panig naman ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, malaking bagay na ang isang bansa na may malaking ekonomiya gaya ng US at nagpapakita ng tiwala sa Pilipinas.| ulat ni Kathleen Forbes