Handang-handa na ang Quezon City Police District para tiyakin ang seguridad sa buong lungsod sa darating na Semana Santa.
Sa ginanap na QC Journalists Forum, sinabi ni QCPD Spox. PCol. May Genio na makakaasa ang mga residente sa QC na buong pwersa ng kapulisan ang magbabantay sa mga lansangan, terminal, simbahan at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ngayong Holy Week.
Nasa higit 3,000 pulis-QC aniya ang magpapatrolya sa lungsod kabilang ang foot patrol at bike patrols.
Bukod sa mga nakapatrolyang pulis, tiniyak rin nito ang pagpapakalat ng mga pulis na nakasibilyan at gayundin ang pakikipagtulungan sa mga barangay.
Maglalagay rin ang QCPD ng mga assistance hubs at police assistance desks partikular sa mga pantalan at terminal para sa mga dadagsang biyahero,
Kasunod nito, pinayuhan naman ni Col. Genio ang mga magbabakasyon na tiyaking nakakandado nang maayos ang mga bahay, ibilin ito sa mapagkakatiwalaang kapitbahay at kung may CCTV ay paganahin ito para iwas sa akyat-bahay.
Igarahe din ang mga pribadong sasakyan, huwag iwan sa kalsada at siguruhing walang mahalagang gamit sa loob. | ulat ni Merry Ann Bastasa