Bangkay nang natagpuan ng Tayabas City Police Station ang mag-ina na halos isang buwan nang napaulat na nawawala.
Sa impormasyong ipinabatid sa Kampo Crame ni Philippine National Police – Area Police Command Southern Luzon Chief, P/LtGen. Rhoderick Armamento, nakita ang labi ng mag-ina sa madamong bahagi ng Bella Vista Subd. sa Brgy. Isabang.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Lorry Latida, 54 anyos gayundin ang Filipino – Japanese na anak nito na si Mai Motegi, 26 anyos
Kasunod nito, iniulat din ni Armamento na hawak na rin ng pulisya ang person of interest sa krimen na kapatid ng biktima matapos itong isuko ang sarili sa mga pulis.
Ayon kay Armamento, nagsinungaling kasi ang naturang POI sa mga pulis sa panahong hinahanap ang mag-ina.
Sinabi kasi nito na umalis ang mag-inang biktima patungong Japan.
Bagaman patuloy ang imbestigasyon sa krimen pero tinitingnan ngayong anggulo ang alitan sa pagitan ng magkapatid. | ulat ni Jaymark Dagala