Pinuna ng mga mambabatas ang kawalan ng paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Maco, Davao de Oro at ng Office of the Civil Defense na nauwi sa pagkasawi ng nasa 98 indibiwal sa landslide doon.
Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Disaster Resilience kaugnay sa trahedya, iginiit ni ACT CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na kung umaksyon ng tama ang local government at OCD ay posibleng naagapan ang naturang landslide.
Pagbabahagi ni Tulfo bago ang trahedya nitong Pebrero ay nagkaroon na ng serye ng landslide sa Maco.
Partikular noong Enero 12 at 13, 2023 sa Purok Waling-Waling, Bgy. Mainit at Marso 2023 sa Purok Durian, Bgy. Mainit.
Tatlo pang landslide pa ang naitala nitong Enero 2024 na ikinamatay ng isa katao.
Nang tangunin ni Tulfo si Maco Mayor Voltaire Rimando at Warren Lucas ng Operations Service ng Office of Civil Defense (OCD), kapwa nila inamin na hindi nakarating sa kanila ang ulat ng mga naturang landslide.
Paliwanag ng OCD batay sa polisiya, makakatanggap lamang ng report ang ahensya kung nasa sampu ang nasawi, bagay na hindi nagustuhan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice-chair ng komite.
Pinuna naman ni Deputy Majority Leader Wilter Palma, si Mayor Rimando dahil sa hindi nito agad pinalikas ang mga residente sa kabila ng sunud-sunod na landslide sa lugar.
Kinuwestyon din ni Tulfo ang lokal na pamahalaan at Mines and Geosciences Bureau kung bakit pinahintulutan ang pagpapatayo ng eskuwelahan sa lugar noong 2017 gayong 2008 pa lang ay idineklara na ito bilang “no build zone.”| ulat ni Kathleen Forbes