Ipinapasilip ni Senador JV Ejercito ang mga nagsulputang istruktura sa Upper Marikina River Basin Watershed partikular na sa bandang Sierra Madre.
Ayon kay Ejercito, matagal na rin niyang kinakalampag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa mga istruktura sa lugar na natatakpan na ang tunay na ganda ng Sierra Madre.
Iginiit ng senador na dapat magsilbing eye-opener na ang nadiskubreng resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Maliban sa DENR, dapat rin aniyang kumilos ang mga lokal na pamahalaan para maipreserba ang mga cultural at natural heritage ng ating bansa.
Binigyang diin pa ni Ejercito na marami pang bakanteng lupa na maaaring pagtayuan ng mga bahay sa halip na itayo ito sa mga protected areas.
Umaasa rin ang senador na maipapasa na ang panukala ni Senadora Loren Legarda na nagsusulong ng pangangalaga sa mga cultural heritage ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion