May ginawa ng hakbang ang Department of Migrant Workers (DMW) para matulungan ang displaced overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, matapos mabangkarote ang mga kumpanya dahil sa financial crisis noong 2015 hanggang 2016.
Isang Memorandum of Agreement (MOA), ang nilagdaan ng DMW, Land Bank of the Philippines, at ng Overseas Filipino Bank na layong mapabilis ang pagproseso ng mga tseke na inisyu ng Saudi Government para sa hindi nabayarang sahod at benepisyo.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, ang DMW bukod sa iba pa ay tutulong sa pagtukoy sa mga tagapagmana ng mga namatay na Saudi OFW claimants, pag-eendorso ng kanilang claims checks at paggarantiya sa bayarin at pagpapalabas ng pera.
Samantala, ang Land Bank at Overseas Filipino Bank ay magbibigay ng mga kinakailangang serbisyo at solusyon sa pagbabangko upang mapadali ang pagseserbisyo sa mga naghahabol na OFW.
Ang paglagda sa DMW-Land Bank-Overseas Filipino Bank MOA ay nagmamarka ng isang makabuluhang milestone, at pag-unlad tungo sa pagresolba sa isyu ng libo-libong displaced OFWs.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, sinimulan ng Alinma Bank of Saudi Arabia ang pamamahagi ng mga tseke sa displaced Saudi OFWs. | ulat ni Rey Ferrer