Pinag-iingat ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko sa paglaganap ng “hijack profile scam” o “online identity theft.”
Ayon kay ACG Director Police Major General Sydney Sultan Hernia, nakapagtala ang ACG ng 178 na kaso ng “hijack profile scam” mula Nobyembre 2023 hanggang Pebrero 2024.
Ayon kay Hernia, 89 na kaso ang iniulat sa buwan lang ng Pebrero, na indikasyon na nauuso ang ganitong uri ng krimen.
Sa “hijack profile scam” ay napapasok ng mga kriminal ang social media account ng mga biktima at ginagamit ito para manghingi ng pinansyal na tulong sa mga kaibigan ng biktima.
Ginagamit ng mga scammer ang iba’t ibang paraan para ma-access ang social media account ng mga biktima, kabilang ang phishing, hacking, o social engineering techniques, na paglabag sa probisyon ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, laban sa Illegal Device Access, Computer-Related Fraud, at Computer-Related Identity Theft.
Payo ni Hernia sa publiko, huwag basta mag-download ng mga attachment o mag-click ng mga hindi pamilyar na link, at ipaalam agad sa service provider kung may hinala na na-hack ang kanilang profile. | ulat ni Leo Sarne