Tiniyak ni PNP Public Information Office Chief at spokesperson Police Col. Jean Fajardo na itataguyod ng PNP ang batas sa pinag-aagawang Makati Park and Garden sa Brgy. West Rembo.
Ito’y kasunod ng pagsiklab ng tensyon sa lugar nang ipasara ito ng pamahalaang lokal ng Taguig dahil sa kakulangan umano ng permit.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PCol. Fajardo na nakipag-ugnayan na sila sa Makati at Taguig Police para sa isyu ng seguridad.
Maliban dito ay nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa parehong Local Government Unit.
Paliwanag niya, wala sila sa posisyon para makialam sa isyu ng agawan dahil ito ay sa pagitan ng dalawang LGU at ang magagawa lang ng PNP ay panatilihin ang presensya ng pulis para mamagitan at panatilihin ang kapayapaan.
Dagdag pa ni Fajardo, sakaling may magpumilit na pumasok sa isinarang parke at magkaroon ng gulo, handa silang ipatupad ang batas depende sa magiging paglabag. | ulat ni Leo Sarne