Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) na lalo pa nilang mapagbubuti ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.
Ito’y makaraang ihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga inisyatibang ginagawa ng dalawang Kapulungan ng Kongreso para suportahan ang mga layunin ng Pambansang Pulisya.
Sa isinagawang Alumni Homecoming ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite, ibinida ni Zubiri ang mga naipasang batas gaya ng Republic Act 11549 na nagpapababa sa height requirement sa mga miyembro ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kasalukuyan ding gumugulong sa Senado ang panukalang pagtatag ng PNP Forensics DNA Database upang makatulong naman sa mabilis na pagresolba sa mga hinahawakang kaso ng Pulisya.
Habang nito lamang nakalipas na buwan, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang PNP Organizational Reforms Bill na layon namang iakma ang origanisasyon sa mga hinihingi ng makabagong panahon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colobel Jean Fajardo, maituturing aniya itong isang pangarap na malapit nang matupad dahil napapanahon ang usapin ng reorganization sa kanilang hanay upang mapagbuti pa ang kanilang pagtupad sa tungkulin. | ulat ni Jaymark Dagala