Nasagip ng mga awtoridad ang 234 Pilipino, 107 Chinese, 6 Malaysians, 58 Vietnamese, 1 Taiwanese at 2 Rwandan na manggagawa sa isang POGO Hub sa Bamban, Tarlac kaninang madaling araw.
Ito’y sa pagpapatupad ng warrant ng mga awtoridad laban sa mga opisyal at kawani ng Zun Yuan Technology Inc. dahil umano sa trafficking in persons at serious illegal detention.
Ang pinagsanib na operasyon ay isinagawa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG, PNP Intelligence Group (IG) katuwang ang Northern Luzon Command (NOLCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Nag-ugat ang operasyon matapos maghain ng reklamo ang isang Vietnamese national na nakatakas sa nasabing pasilidad nitong February 28.
Nagpasaklolo din ang isang Malaysian national dahil kinukulong umano sila sa compound na kanilang pinagtatrabahuan.
Sa inisyal na impormasyon ng PAOCC, nakakita sila ng scripts na tulad nang ginamit sa iba pang POGO hubs na sangkot sa love scam. | ulat ni Leo Sarne