Inaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national matapos makuhanan ng mga baril at iba pang kontrabando sa pagpapatupad ng search warrant sa isang townhouse sa Brgy. Bambang, Taguig.
Sa ulat ni NCRPO Director Police Maj. General Jose Melencio Nartatez Jr. kay PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil, kinilala ang suspek na si Haiqiang Su, 24 na taong gulang.
Nakuha sa kanya ang isang M4 Carbine rifle, mga magasin at bala, 2 granada, 4 na airgun; at mga sasakyan, kabilang ang isang McLaren sports car na nagkakahalaga ng 15 hanggang 30 milyong piso na may iligal na plaka.
Kasabay ding isinailalim sa kustodiya sa RSOG headquarters sa Camp Bagong Diwa ang dalawang pang Chinese national na kasama ng suspek sa townhouse para imbestigahan.
Kasunod nito, isang nagngangalang Jerry Mari S. Cheng ang nagdala ng 3 milyong piso sa isa sa mga Chinese national na nasa kustodiya na si Zhuang Guangdong.
Agad ding inaresto ng mga pulis si Guangdong, matapos niyang tangkang ipang-suhol sa mga pulis ang 3 milyong piso para sa kanilang kalayaan; habang nakatakas naman si Cheng. | ulat ni Leo Sarne
📷: NCRPO