Na-nutralisa ng mga tropa ng 103rd Infantry Brigade ang isang sub leader ng Daulah Islamiyah – Maute Group (DI-MG) at apat niyang tauhan sa serye ng enkwentro sa Munai, Lanao del Norte kahapon.
Kinilala ang mga nasawing terorista na sina: Najeb Laguindab, alyas Abu Jihad/Abu Yad, ang sub-leader ng grupo; Johaiver Dumar, alyas Juhayber/Julaibib; Salman Dimapinto Nasrudin, alyas Shuay’b; Mohaimen Hadji Ali, alyas Ibn Sali, isa sa mga lookout sa MSU bombing; at isang alyas Muslima/Payko.
Bukod sa mga labi ng kalaban, narekober ng mga tropa ang isang M16 rifle, isang M14 rifle, at iba pang gamit pandigma.
Limang sundalo naman ang sugatan sa operasyon na agad naisugod sa pagamutan.
Binati ni Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Lt. Gen. William Gonzales ang mga tropa ng Joint Task Force Zampelan sa pamumuno ni Maj. Gen. Gabriel Viray III sa matagumpay na operasyon. | ulat ni Leo Sarne