Para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin, nakipagpulong sina House Speaker Martin Romualdez at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa grupo ng mga magsasaka, at mga negosyante ngayong araw.
Kasama sa pulong sina Jayson Cainglet ng SINAG, Raymond Obcena ng Lucky Swerte Gen. Merch., Steven Cua, Pres. Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), Alfie Gatmaytan ng Kiko Mart, Atty. Jose Elias Inciong President ng UBRA, at Jackie Cano ng Allday Supermarket.
Ayon kay House Speaker Romualdez, layon ng pulong na matukoy ang win-win solution sa parte ng producers at retailers nang masigurong hindi sisipa ang presyo ng bilihin.
Handa rin aniya ang Kamara na magpasa ng anumang panukala na makatutulong para matugunan ang pangangailangan ng naturang stakeholders.
Sa panig ng producers, sinabi ng SINAG at UBRA na matagal nang walang paggalaw sa presyo ng farm gate price sa agri commodities kaya walang rason para magtaas ang presyo ng bilihin.
Hirit ng mga ito, ipasa na ang panukala sa agricultural smuggling at livestock development.
Dapat din aniyang paigtingin ang oversight function ng Kongreso para madetermina kung may nananamantala sa presyuhan ng bilihin.
Aminado naman ang mga retailer na may hamon din sa kanila pagdating sa labor costs, logistics at transportation costs.
Tiniyak ni House Speaker Romualdez, na isasaalang-alang nito ang concern ng stakeholders at magkakasa ng malawakang review sa lahat ng mga umiiral na batas, na nakakaapekto sa suplay at demand pati na sa presyo ng mga bilihin.
Maging ang concern sa importasyon ay ipapaabot din aniya ng lider ng kamara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Merry Ann Bastasa