Nadakip sa magkahiwalay na anti-criminality operations ng Pasay City Police ang tatlong ‘most wanted person’ (MWP) sa lungsod.
Kinilala ni Pasay City Police Chief P/Colonel. Mario Mayames Jr., ang mga nadakip na mga suspek na sina alyas Randy (45), residente ng Rawis St., Tondo, Manila at Cornejo St., Malibay, Pasay City; alyas Buboy (21) ng Munoz St., Barangay 143, Pasay City; at isang alyas K-Ram (22) na nanunuluyan sa Kalinisan Street, Zapote 1, Bacoor City, Cavite gayundin sa Seaside Square, Parañaque City.
Unang inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa Pasay City Police si alyas Randy, na nahaharap sa kasong rape at tinaguriang top 10 most wanted person sa regional level, sa Malibay Plaza, Pasay City.
Sumunod na nasakote ayon kay Mayames si alyas Buboy na may kasong paglabag sa RA 9165 o Illegal Possession of Prohibited Drugs at tinaguriang top 8 most wanted person sa kanto ng Muñoz at Tramo Sts., Pasay City.
Huling naaresto si alyas K-Ram sa kahabaan ng F.B. Harrison St., Pasay City na tinaguriang top 10 most wanted person dahil sa kanyang kinahaharap na kasong robbery with physical injuries. | ulat ni Lorenz Tanjoco