Pananatilihin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang presensya sa lahat ng istasyon ng bansa sa West Philippine Sea, partikular sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. kay United States Secretary of the Air Force Frank Kendall na nagsagawa ng courtesy call sa Camp Aguinaldo ngayong Biyernes, kasama si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, kapwa tiniyak ng magkabilang panig ang pagpapatuloy ng military engagements at cooperative activities, kabilang ang maritime cooperative activity, bilateral exercises, at EDCA sites projects, bilang mensahe sa buong mundo ng matatag na alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nagpasalamat si Gen. Brawner sa patuloy na suporta ng Estados Unidos sa AFP at sa bansa, sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng Pilipinas sa West Philippine sea.
Binigyang diin ni Gen. Brawner na ang BRP Sierra Madre ang simbolo ng determinasyon ng Pilipinas na ipagtanggol ang pambansang teritoryo at soberenya at karapatan at obligasyon ng Pilipinas na suportahan ang mga tropang nagbabantay doon. | ulat ni | via Leo Sarne Sarne