Sinalakay ng mga operatiba ng Batangas Provincial Police Office – Drug Enforcement Unit ang nirerentahang bahay ng isang Canadian national na ini-uugnay sa nasabat na P9.6 bilyong halaga ng shabu sa Alitagtag, Batangas.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 4-A o CALABARZON na ipinarating sa Kampo Crame, nagsimula ang operasyon ala-1:20 ng madaling araw na tumagal hanggang alas-4 kaninang umaga.
Isinagawa ng mga awtoridad ang naturang pagsalakay sa tinutuluyang bahay ng dayuhan sa Brgy. Natipuan, Nasugbu sa Batangas sa bisa ng search warrant dahil sa paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Subalit ayon kay Batangas Provincial Police Director, PCol. Samson Belmonte, wala ang Canadian national at nagnegatibo rin sa kontrabando ang naturang bahay nang isagawa ang pagsalakay.
Giit pa ni Belmonte, bahagi ito ng isinasagawa nilang follow-up operation kasunod ng nasabat na malaking bulto ng shabu sa Alitagtag sa Batangas kamakailan at sinabi nitong hindi pa nila tukoy ang partisipasyon dito ng dayuhan. | ulat ni Jaymark Dagala