Paiigtingin pa ng Philippine National Police o PNP ang kanilang operasyon laban sa mga sasakyang hindi awtorisadong gumamit ng mga sirena, wang-wang, flashers at blinkers.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa lahat ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaan na nagbabawal sa paggamit ng mga naturang device.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, wala silang sisinuhin kahit anuman ang estado sa buhay ng isang lumalabag sa batas.
Kasunod niyan, hinimok ni Fajardo ang publiko na idokumento ang mga makikita nilang sasakyan na gumagamit ng mga nabanggit na device at isumbong ito sa Pulisya.
Babala pa ng PNP, sinumang mahuhuli sa unang paglabag ay kukumpiskahin ang mga nakakabit na device sa sasakyan habang sa ikalawa ay maaari nang maharap sa pagkakulong at posible pang makansela ang lisensya ng driver o rehistro ng sasakyan. | ulat ni Jaymark Dagala