Nagpahayag ng buong suporta ang Philippine National Police sa kanilang bagong PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil.
Sa isang kalatas, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo na sa kanyang pag-upo bilang ika-30 PNP Chief, dala ni Police General Marbil ang malawak na kasanayan, eksperyensya, dedikasyon, at mahusay na pamumuno mula sa kanyang 37 taong pagseserbisyo.
Ayon kay Fajardo, ang natatanging service record ni PGen. Marbil ang patunay ng kanyang kwalipikasyon na maging hepe ng Pambansang Pulisya.
Si Gen. Marbil na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991 ay dating nagsilbi bilang Director ng Directorate for Comptrollership, Regional Director ng PRO-8, Director ng Highway Patrol Group (HPG); at humawak ng iba’t ibang matataas na posisyon sa Civil Security Group, Special Action Force, Presidential Protection Security Group, Agusan Del Norte Police Provincial Office, at Bacoor City Police Station.
Sinabi ni Fajardo na kumpiyansa ang buong hanay ng PNP na mapapalakas ng liderato ni PGen. Marbil ang kakayahan ng PNP na panatiliin ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: PNP-PIO