Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang sakripisyo at kabayanihan ng fire volunteer na si Chasper Kenneth Alcantara Oliver.
Nasawi ang 25-anyos na si Chasper o CK habang tumutugon sa tawag ng tungkulin bilang fire volunteer at kabilang din sa mga unang rumesponde sa sunog sa Brgy. Batis kamakalawa.
Sa kaniyang pahayag, inilarawan ni San Juan City Mayor Francis Zamora si CK bilang masipag na fire volunteer mula sa Brgy. San Perfecto.
Kasabay nito, sinabi ni Zamora na sinagot na rin nila ang bayad sa ospital gayundin ang burol at pagpapalibing kay CK sa San Juan City Cemetery bilang tulong na rin sa naulilang pamilya nito bukod pa sa tulong pinansyal.
Sinabi ni Zamora na sa bawat buhay na nailigtas ni CK, naiwan nito ang bakas ng kaniyang kabayanihan at mananatili sa puso ng bawat San Juaneño ang kaniyang sakripisyo’t dedikasyon sa pagtulong sa kapwa. | ulat ni Jaymark Dagala