Pinalawak pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Z Benefits Package nito para sa mga pasyenteng may breast cancer.
Sa isang pulong balitaan, inanunsyo ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr,. na itinaas na sa P1.4 milyon ang kanilang package para sa pasyanteng may breast cancer na epektibo na simula nitong March 30, 2024.
Ito ay mas mataas kumpara sa dating breast cancer package na P100,000.
Sa harap ito ng pagtaas ng naitalang kaso ng breast cancer na 27,000 na mga pasyente kada taon sa Pilipinas.
Ayon kay Ledesma, sa ilalim ng pinalakas na Z Benefits Package, ang lahat ng stage ng breast cancer ay maaari ng makapag-avail ng nito.
Nasa 21 ang mga accredited na ospital ng PhilHealth para makapag-avail ng Z Benefits Package at posible pang madagdagan ito. Kabilang na rito ang East Avenue Medical Center at Philippine General Hospital dito sa Metro Manila.
Pasok naman sa benepisyo ng nasabing package ang mamogram, ultrasound, at ilang mga gamot sa cancer.
Umaasa naman ang PhilHealth na sa tulong ng pinalakas na Z Benefits Package para sa breast cancer ay mas maraming makukumbinseng mga kababaihan ang magpatingin sa doktor at mailigtas ang maraming buhay. | ulat ni Diane Lear