Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na linisin ang mga ilog at daluyan ng tubig na dumadaloy sa Manila Bay, nagkaloob ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 11 unit ng backhoes-on-barge sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, mahalagang tandaan na ang malinis na ilog ay mahalaga para sa kalusugan ng mga komunidad.
Hinihikayat ng kalihim ang mga LGU na gamitin ang mga backhoes-on-barge upang makatulong na maiwasan ang mga baha sa maraming komunidad.
Kabilang sa mga nakatanggap ng backhoes-on-barge ang mga lokal na pamahalaan ng Malabon, Marikina, Muntinlupa, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, Taguig, San Fernando sa Pampanga, Obando sa Bulacan, at Bacoor sa Cavite.
Ang proyektong ito, na nagkakahalaga ng P491.46 milyon, ay bunga ng pakikipagtulungan ng DENR at Department of Public Works and Highways.
Batay sa datos, simula noong 2019, mahigit 1.1 milyong cubic meters ng solid waste at silt ang natanggal sa mga ilog at estero sa paligid ng Manila Bay.| ulat ni Diane Lear