Kinasuhan ng murder ang dalawang pulis at tatlong iba pa sa pamamaril at pagpatay noong May 2 kay Police Capt. Rolando Moralde sa public market ng Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, kusang sumuko ang dalawang pulis na may ranggong Police Master Sergeant at kasalukuyang nasa kustodiya ng Parang Municipal Police Station, habang at-large pa ang tatlo pang suspek.
Nag-ugat ang insidente sa simpleng paninita ni Capt. Moralde sa isang suspek sa pagdadala ng baril na si Mohiden Ramalan Untal, na tumuloy sa barilan na ikinasawi ng huli.
Kasunod nito hinabol at pinagbabaril si Capt. Moralde ng limang lalaki, kabilang ang dalawang pulis, na napag-alaman na pawang mga kaanak pala ng suspek.
Samantala, sinibak na rin sa pwesto ang apat na pulis na kasama ni Capt. Moralde para imbestigahan sa kanila umanong kabiguan na rumesponde ng maayos sa insidente upang naiwasan sana ang madugong pangyayari. | ulat ni Leo Sarne