Nagpatawag ng pulong balitaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) dito sa Kampo Crame ngayong umaga.
Ito’y para magbigay ng update kaugnay sa pagkakaaresto ng Canadian national na itinuturong sangkot sa 1.4 tonladang shabu na naharang ng Pulisya sa Alitagtag sa Batangas noong isang buwan.
Magugunitang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Units ng NCRPO, CALABARZON at Bureau of Immigration si Thomas Gordan alyas James Martin sa Brgy. Maitim 2, Tagaytay City noong isang linggo.
Nakuhanan ng hindi pa matukoy na dami at halaga ng iligal na droga si Martin bukod pa sa pagkakasangkot nito sa itinuturing na pinakamalaking drug haul mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Si Martin ay kasalukuyang wanted sa bisa ng Red Notice na inilabas ng International Police Origanization o INTERPOL.
Matapos maaresto, agad dinala sa Department of Justice (DOJ) ang suspek para isailalim sa inquest proceedings. | ulat ni Jaymark Dagala