Sinabi ngayon ni Health Asec. Albert Domingo na hindi dapat maalarma dahil nananatiling mababa ang occupancy rate ng mga ospital pagdating sa COVID-19 cases.
Ito ay sa kabila ng banta ng panibagong variant na KP2 at KP3 o Flirt variant ng COVID.
Sa pagharap ng ahensya sa ipinatawag na briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ng opisyal na hanggang May 18, sa 1,155 dedicated ICU beds sa buong bansa, 12% lang ang okupado o 141 na kama.
Habang ang regular beds na nasa 10,536, ay 14% lang ang okupado o katumbas ng 1,435.
Makikita aniya sa mga numero na ito na nakahanda at kayang tumugon ng mga ospital lalo at mild cases lang ang naitatala.
Siniguro din ng DOH na pinabibilis ang proseso ng procurement ng mga bakuna para sa pneumonia at influenza lalo at uso rin ang naturang sakit na may kahalintulad na sintomas sa Flirt variant.| ulat ni Kathleen Forbes