Abot kamay na ang mas matatag na suplay ng kuryente sa isla ng Palawan.
Kasunod ito ng pakikipagtulungan ng National Electrification Administration (NEA) sa Maharlika Investment Corporation (MIC) para mapaigting ang electrical infrastructure sa Palawan Electric Cooperative (PALECO).
Pinangunahan nina NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, MIC President at CEO Rafael Consing, Jr. at ni PALECO General Manager Engr. Rez Contrivida ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ngayong araw na isinagawa sa tanggapan ng NEA sa Quezon City.
Layon ng kolaborasyon na matugunan ang gap sa electricity access sa Palawan para mapalawak pa ang potensyal nito hindi lang sa turismo kundi maging sa economic growth.
Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ng pag-aaral at assessment ang MIC sa kasalukuyang electrical system sa Palawan para madetermina ang magiging investment strategy nito para ma-upgrade ang power infrastructure sa isla.
Itinuturing naman ni NEA Administrator Antonio Almeda na isang mahalagang partnership ang kolaborasyon sa MIC na magtataguyod ng energy security sa Palawan.
Nakaangkla rin ito sa ‘Bagong Pilipinas’ governance agenda ng administrasyong Marcos tungo sa energy development.
Target na makumpleto ang feasibility study at technical study ukol dito sa ikatlong quarter ng taon para agad masimulan ang modernisasyon nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa