Tinitignan na rin ngayon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang regulasyon sa ‘concentrated o magic sugar’ sa gitna ng patuloy na pagtaas ng demand nito lalo na sa mga nagtitinda ng samalamig, taho, kakanin, at iba pa.
Sa ilang palengke, nagiging kakumpetensya na ng mga nagtitinda ng asukal ang naturang artificial sugar dahil bukod sa mas mura ito ay kaunti lang din ang kailangan para mapatamis nito ang isang inumin.
Sa Commonwealth Market, nasa ₱35 lang ang kada piraso nito kaya patok ito sa mga mamimili.
Ayon naman kay SRA Administrator Pablo Azcona, suportado nila ang regulasyon sa mga ganitong chemical sweeteners dahil bukod sa banta ito sa bentahan ng lokal na asukal ay kalusugan din ng publiko ang nakasalalay dito.
Hindi rin aniya hinihikayat ng SRA ang publiko na tangkilikin ang chemical sweeteners. | ulat ni Merry Ann Bastasa