Kalaboso ang inabot ng 2 suspek matapos maaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa magkahiwalay na operasyon.
Ito’y kasunod ng reklamong kinahaharap nila dahil sa panghahalay gayundin ang pagpapakalat ng malalaswang materyal sa social media.
Batay sa ulat ng ACG, naaresto ang unang suspek sa isinagawang entrapment operations sa Payatas, Quezon City matapos na takutin ang isang menor de edad na biktima na ipakakalat ang mga malalaswang larawan at video nito kapalit ang salapi.
Lumabas kasi sa imbestigasyon na nakuha ng suspek ang malalaswang larawan ng biktima mula sa lumang cellphone ng dating nobyo nito matapos i-swap sa tiangge.
Samantala, isang lalaki rin ang arestado ng PNP-ACG sa Malanday, Valenzuela City matapos ireklamo ng dating karelasyon ng pagpapakalat ng kaniyang mga malalaswang video at larawan online.
Ginagamit ng suspek na pang-blackmail sa biktima ang mga malalaswa nitong larawan at video para mapilit na makipagtalik sa kaniya.
Kapwa naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang 2 suspek bukod pa sa magkahiwalay na kasong isasampa laban sa mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala