Inaprubahan na ng NEDA Board ang Comprehensive Tariff Program 2024-2028 na layong mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng programang ito, mananatili ang kasalukuyang taripa sa mahigit kalahati ng mga produktong agrikultural at industriyal.
Samantala, ibababa naman ang taripa sa ilang kemikal at coal briquettes upang mapabuti ang seguridad sa enerhiya at mabawasan ang gastos sa produksiyon.
Pinakamalaking bawas-presyo ang inaasahan sa bigas, dahil mula sa dating 35%, ibababa sa 15% ang taripa nito. Layon nitong mapagaan ang gastusin ng mga Pilipino, lalo na’t malaki ang ambag ng bigas sa inflation rate.
Bukod sa bigas, mananatili rin ang mas mababang taripa sa iba pang produktong agrikultural gaya ng mais, baboy at deboned meat.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang bagong tariff program ay hakbang upang masiguro ang sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin, mapatatag ang presyo, at maitaguyod ang seguridad sa pagkain.
Sa mga susunod na araw, inaasahan ang paglabas ng executive order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang ipatupad ang bagong tariff program na ito. | ulat ni Diane Lear