Simula June 1, ipinatupad na ang toll rebate sa mga accredited trucker ng Department of Agriculture na nagdadala ng agricultural products mula sa Benguet at Cordillera Region.
Ito ang kinumpirma ni DA Assistant Secretary for Logistics Daniel Atayde sa culminating activity ng Farmers and Fisherfolk Month sa Baguio City.
Dahil sa rebate sa mga tollway, may pagkakataon na ang mga Benguet truckers at vegetable traders na bawasan ang karagdagang singil na kasama sa pagbebenta ng mga agricultural products.
Partikular dito ang mga highland vegetables na ibinebenta sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Nauna nang inihayag ng Toll Regulatory Board, kasama ang San Miguel at Metro Pacific Group, na magbibigay sila ng diskwento sa lahat ng kanilang tollways.
Sa ilalim ng Toll Rebate program, ang mga trak na kinikilala ng DA ay tatanggap ng mga toll rebate na katumbas ng kamakailang ipinatupad na pagtaas ng toll simula sa June 2023.
Ang rebate program ay unang tatakbo sa loob ng tatlong buwan at sasailalim sa pagsusuri para sa posibleng extension, depende sa sitwasyon ng inflationary. | ulat ni Rey Ferrer