Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga residente na nakatira malapit sa Bulkang Kanlaon matapos itong muling sumabog at itaas sa Alert Level 2.
Ayon sa DOH, mahigpit na pinapayuhan ang lahat na maging mapagbantay at iwasan ang apat na kilmetrong-radius na Permanent Danger Zone (PDZ).
Ito’y upang mabawasan ang panganib mula sa biglaang pagsabog, pagbagsak ng bato, at pagguho ng lupa.
Hinggil naman sa kaso ng pag-ulan ng abo na maaaring makaapekto sa mga komunidad sa ibaba ng hangin ng bunganga ng Kanlaon, ang bawat residente ay dapat magtakip ng ilong at bibig gamit ang basa, malinis na tela, o dust mask.
Mas maigi rin manatili sa loob ng bahay at iwasang lumabas kung hindi kinakailangan partikular ang mga bata, nakatatanda, at mga may sakit na hika o problema sa baga.
Payo pa ng DOH, makinig rin sa abiso at payo ng lokal na pamahalaam at sumunod na lamang sa mga ipapagawa nito.
Ihanda rin ang mga kinakailangang gamitin sakaling lumikas at alamin ang sitwasyon kung saan patuloy na naka-monitor ang DOH kasama ang ibang tanggapan ng pamahalaan sa magiging kalagayan ng Bulkang Kanlaon. | ulat ni Mike Rogas