Posibleng magkaroon ng pagdaloy ng lahar sa dalisdis ng Bulkang Kanlaon kapag may malalakas na pag-ulan.
Pero nilinaw ni DOST-PHIVOLCS Chief Science Research Specialist Maria Antonia Bornas, maliit na volume lamang ito dahil manipis lang ang ashfall na inilabas ng bulkan kahapon.
Sa ngayon, batay sa monitoring ng PHIVOLCS, walang nakikitang degassing activity ang bulkan tulad noong bago mangyari ang eruption kahapon.
Gayunman, hindi isinasantabi ng PHIVOLCS na magkaroon pa ng eruption ang bulkan base sa nakaugalian nito tuwing magpakita ng abnormalidad.
Sabi pa ni Bornas, nanatili pa rin ang pamamaga ng bulkan simula pa noong 2022 pero mabagal.
Kaugnay nito, mahigpit na inirekomenda ng PHIVOLCS sa publiko ang pagbabawal sa pagpasok sa 4 kilometer Radius Permanent Danger Zone sa paligid ng Bulkang Kanlaon.
Nanatili pa rin nakataas sa alert level 2 ang Bulkang Kanlaon.| ulat ni Rey Ferrer