Nakaabang na ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa inaasahang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panukala para sa ₱10,000 annual teaching allowance sa public school teachers.
Kasama si Benjo Basas, isang Caloocan City teacher at National Chairperson ng TDC, sa naimbitahan para sa ceremonial signing ng batas sa Malacañan ngayong araw.
Sa ilalim nito, makakatanggap na ang mga guro ng tax-free na ₱10,000 Teaching Allowance simula sa school year 2025-2026.
Ayon kay Basas, bagamat maliit na halaga ito kumpara sa pangangailangan ng mga guro, makatutulong na rin ito upang mabawasan ang bigat ng gastusin sa araw-araw nilang pagtuturo.
Tinukoy nito ang kadalasang sinasalo ng mga guro gaya ng printer, internet connection, at iba pa.
Kaugnay nito, nagpasalamat ang TDC dahil ang batas na ito ay produkto aniya ng sama-samang pakikilahok ng mga guro at pakikipagtulungan ng mga mambabatas.
Umaasa naman si Basas na makausap ng personal si Pangulong Marcos para sa patuloy na hiling na maitaas ang sahod ng mga guro.
“Kung makakausap namin ang Pangulo bukas, hihilingin namin na tugunan niya ang mga panukalang ito na bahagi rin naman ng kanyang pangako noong 2022,” pahayag ni Basas. | ulat ni Merry Ann Bastasa