Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na may kinalaman sa naganap na raid sa mga lugar ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao, ang paglipat sa pwesto ng ilang matataas na opisyal ng PNP.
Ayon kay Fajardo, ito ay para bigyang daan ang patas na imbestigasyon sa nangyaring nabigong tangka ng mga pulis na magsilbi ng arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Kasama sa mga inalis sa pwesto sina Director for Operations PMgen Ronald Lee; Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director PBGen Aligre Martinez; at Intelligence Group Director PCol Edwin Portento, na lahat inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAO).
Bukod sa mga nabanggit na opisyal, sinabi ni Fajardo na inalis din sa pwesto ang 9 na pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 1 pulis ng Traffic Management Unit at 1 tauhan ng Special Action Force.
Pinanindigan naman ni Fajardo na lehitimo ang operasyon ng mga pulis, kasabay ng pagsabi na sinampahan nila ng reklamo ang 6 na miymebro ng KOJC dahil sa panghahadlang sa operasyon. | ulat ni Leo Sarne